PILIPINAS: Parangal na Konsyerto, online na kampanya na inilunsad kaugnay sa Maguindanao Masaker
FOR IMMEDIATE RELEASE
PRESS RELEASE
AHRC-PRL-006-2010-TL
PILIPINAS: Parangal na Konsyerto, online na kampanya na inilunsad kaugnay sa Maguindanao Masaker
(Hong Kong, Pebrero 23, 2010) Ang Komisyon ng Karapatang Pantao sa Asya (AHRC) ay naglunsad ng online na kampanya kaugnay sa kaso ng Maguindanao Masaker, isa sa mga pinakamasahol na akto ng karahasan sa kasaysayan ng Pilipinas, layunin na maidokumento at masubaybayan ang progreso ng pagdinig ng korte sa kaso.
Ang online na kampanya na pinamagatang: "Hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Masaker", ay inilunsad matapos ang Department of Justice (DoJ) ay nagpasya na litisin ang 197 indibidwal sa kasong multiple murder noong Pebrero 5, 2010 sa pagpatay sa 57 katao sa masaker – 32 dito ay mamamahayag at 2 abugado para sa karapatang pantao.
Ngayong araw na ito din ay tanda ng ikatlong buwang anibersaryo ng masaker.
Batid ng AHRC na isa sa mga suspek, Datu Andal Ampatuan Jr, mayor ng bayan ng Ampatuan at anak ng naghaharaing angkan sa Maguindanao, ay nanatiling nakadetine at nahaharap sa paglilitis matapos ang pag aresto sa kanya noong Nobyembre 26, subalit nitong nakaraan lamang idinagdag ang ibang pinapanagot sa kasong murder.
"Sa paghahanap ng ligal na remedyo sa sistema ng katarungan sa Pilipinas ay parating nakokompromiso ang kaso dahil sa pulitikal na panghihimasok, labis na pagkabinbin sa korte at pagkabigo ng mga taga-usig at imbestigador na tiyakin na ang mga kaso na kanilang pinupursigi ay epektibong nalitis", ayon sa pahayag ng website ng AHRC sa online na kampanya nito.
Sa Pilipinas, ang pagsasampa ng kaso laban sa mga may kagagawan ng paglabag sa karapatang pantao ay isang mahalaga subalit maliit na bahagi ng isang mahaba at nakakapagod na proseso ng pagpupursigi na madalas dahil na rin sa kagagawan ng korte. At kahit pa na ang kaso ay nakasampa na sa korte, maliban kung ang kaso sa korte ay masusing nasubaybayan at nailantad sa publiko, walang katiyakan na ito ay magkakaroon ng hustisya.
"(ang layunin ng online na kampanya) ay maghanap ng dokumento, para magsagawa ng follow-up at mag laan ng mga pagtingin kung paano ang pag-uusig ng kaso na may kaugnayan sa paglabag sa karapatan na naganap sa kontekto ng sistema ng hustiyang kriminal sa Pilipinas", dagdag pa ng website.
Dagdag pa sa inilunsad na online na kampanya, inihayag din ng AHRC na ang grupo ng lokal na mga lokal na naglalathala, ang Publishers Association ng General Santos City at South Cotabato (PAGES) sa General Santos City, ang nag-host ng konsyertong parangal kagabi nang alas 8 ng gabi para sa mga biktima ng Maguindanao Masaker, partikular ang 32 mamamahayag na napaslang sa paggampan ng kanilang tungkulin.
Ang konsyertong parangal ay binansagang "Awit para sa Kalayaan at Hustisya"," layon nitong itambol sa publiko ang kanilang kamalayan sa paggunita ng ika-tatlong buwan ng anibersaryo ng Nobyembre 23 Maguindanao massacre", ayon sa anunsiyo ng PAGES.
Isa sa mga nagtanghal ay si Eric Gancio ng Yano. Ang kanyang banda ay isa sa mga alternatibong bandang Pilipino na sumikat sa Pilipinas noong 90s. Si Eric ay nagtanghal bilang panauhing nagtanghal sa konsyerto.
Maliban sa kanya, iba't ibang lokal na banda mula sa Socsargen (South Cotabato-Sarangani-General Santos) ay naimbitahin din para magtanghal. Ang konsyerto ay ginanap sa Oval Plaza covered court sa Genral Santos City.

